Ayos na Gamot sa Abot-kayang Presyo–Ang Tunay na Sigaw ng Sambayanan!


Wigberto E. Tañada, FTA Lead Convenor

Muli isang maalab na pagbati sa lahat ng naririto ngayon – sa mga kinatawan ng maralitang tagalunsod, manggagawa, magsasaka, informal sektor, mga kawani ng pamahalaan, mga taga-academe, consumer at religious groups, at iba pang sektor. Batiin din natin ang magiting na Senador Mar Roxas, at ang magiting na Kongresista na naririto ngayon. At sa huli, batiin din natin ang magigiting na kasama natin sa gobyerno na galing sa Department of Health, PITC, BFAD, PGH at sa mga kumikilos sa health sektor na tulad ng mga doktor, narses, hospital workers at mga barangay health workers. Sa pagkaalam ko, kasama din natin dito ang Alliance of Filipino Workers, ang pederasyon ng 17 hospital unions, at ang malawak na samahan ng mga barangay health workers sa Metro Manila.

Isang makasaysayang pangyayari ang isinasagawa natin ngayon — ang magsama-sama sa isang kilusan para ayusin ang isang malaking problema sa ating lipunan. Maraming Pilipinong namamatay at nagkakasakit hindi dahil sa walang gamot sa mga botika kundi dahil hindi nila kayang bilhin ang gamot sa kamahalan, sa kataasan ng presyo nito. Makita lamang ang presyo ng gamot, ipipikit na nila ang kanilang mga mata at magdadasal na lamang.

Hindi dapat maging ganito ang kapalaran ng ating mamamayan.

Alam natin na pwede namang ibaba ang presyo ng mga gamot — kung maipapatupad lamang nang husto ang generics law, kung walang pang-aabuso sa paggamit ng patents ang malalaking drug companies, kung ang kaalaman sa gamot ay di nagiging pag-aari ng iilan sa sobrang haba ng panahon, kung igigiit ng pamahalaan ang karapatan niyang umangkat ng murang gamot na kailangan para sa pampublikong kalusugan. Alam nating lahat na ang presyo ng mga gamot sa ating bansa ay pwedeng bumaba nang malaki at malawakan. Ayon sa pagsasaliksik, ang Pilipinas ang may pinakamahal na presyo ng gamot sa Asya, sunod lamang sa bansang Hapon. Halos 20 na ulit na higit na mas mataas sa mga bansang India at Canada ang presyo ng gamot natin. Higit na mas mahal din ang ating mga gamot kumpara sa ating mga kalapit-bansa sa Asya tulad ng Malaysia at Indonesia. At sa kasamaang palad, lalo pang tumitindi ang krisis sa kalusugan at mataas na gamot sa bansa dahil sa ilang polisiya ng gobyerno, tulad ng privatization at pagbabawas ng suporta sa mga publikong ospital tulad ng PGH. Napakaliit din ang pondo na inilalaan para sa serbisyong pangkalusugan, na umaabot lamang sa 3.3% ng ating GDP.

Kaya po, pangarap namin sa Fair Trade Alliance na bumaba ang presyo ng gamot para maabot ng masa. Kaya po ang FTA ay tutulong, kasama ninyo para pababain ang presyo ng gamot sa pamamagitan ng mga repormang ipinapanukala at itinataguyod at itinutulak ng mga kasama at kaalyansa natin ngayon.

Tulad ng mga panukalang reporma sa batas sa Intellectual Property Rights tungkol sa patents. Nahihirapan ang ating pamahalaan na mag-angkat ng mas mura at epektibong gamot mula sa mga bansang tulad ng India at Pakistan. Napapahirapan din ang ating mga local drug manufacturers na makagawa ng gamot dahil sa samut-saring kaso na ibinabato sa kanila bago pa man makakuha ng compulsory licensing at kayat hirap na hirap silang makapagsaliksik ukol sa mga gamot na malapit nang mag-expire ang patent upang mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makabili ng mga generic equivalents at magkaroon ng patas na kompetisyon sa merkado ng gamot.

Kaya suportado namin, natin, ang ating magiting na Senador Mar Roxas at mga kongresista sa kanilang panukalang alisin ang mga hadlang na ito sa ating karapatan at kalayaang makabili ng epektibong gamot sa abot-kayang halaga.

Hindi fair, hindi just, HINDI MAKATARUNGAN na pilit na ibinebenta ng mga multinasyonal ang gamot sa monopolyong presyo, na di naman maabot-abot ng masang nagkakasakit. Bakit ang gamot sa altapresyon na Norvasc dito sa Pilipinas ay umabot ng 800 porsiyento ang taas kumpara sa presyo nito sa India? Ganyan din ang nangyayari sa Amoxil at iba pang gamot. At nakalulungkot, hindi man lamang gumagalaw ang mga multinasyonal na drug companies na pababain ang presyo ng kanilang mga gamot tulad ng mga gamot para sa diarrhea at influenza at iba pa, na may kailangan ay ang mga mahihirap na Pilipino. Kakarampot na nga lang ang kanilang kinikita, nababawasan pa ito ng pambili ng mga mahal na gamot. Kinakatwiran ng mga multinational companies na malaki ang research and development expenses nila, pero nakakapagtaka bakit sa atin lang sa Pilipinas mataas ang presyo nga gamot at sa ibang malalaki at mayayamang bansa na kumukunsumo ng higit na mas maraming gamot ay higit na mas mababa ang mga presyo doon?

Hindi naman makatwiran at makatarungan ito.

Dahil sa may monopolyo sila sa patent, sa paggawa ng gamot, nagagawa ng mga multinational na walang pakundangang magpataw ng pinakamataas na presyo sa mga binebentang gamot. Dahil sa mopolyo, kontrolado ng mga multinasyonal ang sitenta (70) porsiyento ng P80-100 bilyon merkado ng gamot sa Pilipinas.

Kamakailan lamang ay kinasuhan ng isang malaking mutinasyonal ang gobyerno dahil sa pag-aangkat nito ng gamot sa altapresyon upang pag-aaralan lamang, at hindi naman ibebenta hangga’t hindi nag-eexpire ang kanilang patent, na naayon naman sa ating Intellectual Property Code. Isang halimbawa: ang patent ng gamot na Norvasc ay mag-eexpire na sa June 2007. Ang proseso ng pag-aaral, ayon sa BFAD ay tatakbo ng 18 na buwan kaya ngayon pa lamang ay nag-aangkat na ang PITC ng gamot na ito upang pag-aralan. Ngunit, kahit ito ay hinahadlangan at binabara pa ng mga multinational, sa pamamagitan ng mga kasong walang batayan.

Sa kabilang banda, ang Kasunduan sa WTO hinggil sa Intellectual Property Rights at Public Health ay nagbibigay naman sa bawat bansa ng mga karapatan para pangalagaan ng bawat gobyerno ang pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaroon niya ng kalayaang gumawa o kumuha ng mas mababang presyo ng gamot. Ngunit, nagbubulag-bulagan yata ang mga multinasyonal sa kasunduang ito.

Hindi natin papayagan at pahihintulutan yan mangyari sa ating sariling bansa. We will not be threatened by their lawsuits and intimidated by their arguments. Dahil ang katotohanan ay nasa harap na nating lahat, hindi na tayo magpapalinlang at magpapasamantala pa sa kanila. Lalaban tayo, sama-sama.

Kaya ako ay sumasaludo sa inyong lahat, sa inyong mga taong patuloy na nakikipaglaban para sa karapatan ng bawat Pilipino para sa ayos na gamot sa abot-kayang presyo.

Ang Fair Trade Alliance ay lubos na naniniwala sa patas na kompetisyon. Patent rights must be exercised by patent holders and patent licensees within bounds of laws, reason and fairness. Public health comes first! The Filipino masses should have fair access to medicines at fair and affordable prices. Every Filipino has a right to life!

Mga kasama at kaibigan, mabigat po ang laban nating ito. Kaya sana ay maging matatag tayong lahat at lalong tumingkad ang ating pagkakaisa at pagtutulungan. Sana ay makita rin natin na ang lahat ng ito ay nag-uugat sa katotohanan na may ekonomiya tayong dapat ituwid at isaayos, para ang laban sa negosyo at trabaho ay makatwiran at makatarungan para sa lahat.

Mabuhay tayong lahat!

———————————
Speech delivered to the launching of “Ayos na Gamot sa Abot-kayang Presyo (AGAP)” Coalition, held on May 23, 2006 at Nurses Home Auditorium, Philippine General Hospital, Manila.

Advertisements



    Leave a Reply

    Fill in your details below or click an icon to log in:

    WordPress.com Logo

    You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

    Twitter picture

    You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

    Facebook photo

    You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

    Google+ photo

    You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

    Connecting to %s


  • FairTrade in pictures

  • Recent Posts

  • Archives

  • Founded in 2001, the Fair Trade Alliance (FairTrade) of the Philippines is a broad multisectoral coalition of formal and informal labor, industry, agriculture, NGOs and youth pushing for trade and economic reforms.
  • FairTrade seeks to promote a job-full and progressive Philippine economy through: (1) the promotion of fair trade rules and active agro-industrial policies based on the existing development needs of the nation, (2) the development of a positive agro-industrial culture to foster innovation, hard work and solidarity between and among the productive sectors of Philippine society, and (3) the transformation of an economy debased and stunted by colonial mentality, unequal trade and neo-liberal dogma into a modern, sustainable and broad-based.
  • Fair Trade Alliance (FairTrade)
    3/f Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) Headquarters
    #56 Mo. Ignacia cor. Dr. Lascano, Quezon City, The Philippines
    (+632) 372 49 91 to 92 local 30
    (+632) 372 39 24
    fta[at]fairtradealliance.org

    FairTradeWeb is powered by Wordpress, MediaMax, MediaFire, Yahoo!, FeedBurner and Flickr.

  • Subscribe in Bloglines


%d bloggers like this: