Buhayin ang diwa ng economic nationalism sa kalakalan at kaunlaran sa agrikultura


Wigberto E. Tanada, Lead Convenor

Isang maalab at mapagpalayang araw sa ating lahat!

Sa ngalan ng Fair Trade Alliance at mga kaalyansa nito para sa makatarungang kalakalan at tunay na kaunlaran, nais kong batiin kayong lahat!

Tayo ay nagtitipon ngayon para pag-usapan ang isang matagal, kundi man matandang, usapin sa ating bayan – ang kalagayan at tunguhin ng industriya ng bigas at mais, na kadluan ng buhay para sa mayorya ng ating mga magsasaka at kanilang pamilya.

Bakit hindi makaahon-ahon sa kahirapan ang maraming rice and corn farmers? Bakit hindi dumarating ang sinasabing pag-unlad sa ilalim ng isang deregulated, liberalized at globalized agricultural market? Saan nga ba pupulutin ang ating agrikultura sa ilalim ng WTO, AFTA at globalisasyon? May bukas pa ba para sa ating agrikultura sa pangkalahatan at sa industriya ng bigas at mais sa partikular — kung hindi magbabago ang ating mga patakarang pangkanayunan?  Ano ang dapat nating gawin bilang isang bayan?

Ito po ang mahahalagang mga katanungang nais nating sagutin sa pagpupulong na ito dito sa Davao Episopal Training Center.

Nais kong magbigay ng ilang mga ideya na puwede nating pag-usapan o pagtalunan.

Krisis sa agrikultura,
Krisis sa pananaw

Una, nais kong banggitin dito na ang krisis na nararamdaman nating lahat sa agrikultura ay krisis sa development perspective,  krisis sa uri ng  modelo ng pag-unlad na tinatahak ng bayan.

Ang mga palatandaan ng krisis ay kitang-kita nating lahat. Mula sa 40 tonelada ng bigas na inangkat natin noong l979-82, umakyat ang ating inaangkat na bigas sa mahigit na 4 na milyong tonelada noong 1995-98 at patuloy na umaakyat taun-taon. Noong 2000 – 2004 ay 4.36 milyon tonelada at ngayong 2005 balak nating mag-angkat ng 1.6 milyong tonelada. Ang ating corn imports ay umakyat din mula sa kalahating milyong tonelada noong l979-82 tungo sa 1.5 milyong tonelada noong l995-98 at patuloy na umaakyat taun-taon. Sa pananaliksik ni Roy Ribo, patuloy na gumuguho at hindi umuunlad ang ating impraistruktura, pangunahin na ang irigasyon, ang susi sa malaking ani sa bigas. Mula sa 1.2 milyon hectares noong l980, ang bilang ng irrigated rice land sa Pilipinas ay umakyat lamang  sa 1.5 milyon hectares noong l990 at hindi na ito nadagdagan, kahit na  ang populasyon natin ay halos nadoble, mula 48 milyon noong l980 sa 85 milyon ngayong 2005.

Dumadami pa rin ang naghihirap na magsasaka. Lumalaki ang gastos, lalo na sa abono, transportasyon at pangangailangan ng pamilya, habang lumiliit naman ang kita sa pagsasaka dahil hindi kayang suportahan ng NFA sa mas mataas na presyo ang mga ani. Binabarat naman ng mga traders ang presyo ng palay sa farmgate. Kaya, marami sa mga land reform beneficiaries ay napilitan isangla o ipagbili ang kanilang mga lupa.

Ang mga bagay na ito ay alam nating lahat.

Binabanggit ko lamang ang mga ito sapagkat noong l980, ang taong tinanggap natin ang patakarang agricultural deregulation bilang bahagi ng structural adjustment program (SAP) na itinulak ng World Bank at IMF, ang sabi ng mga ekonomistang nasa NEDA, bubuti ang takbo ng agrikultura. Bubuti raw kung mababawasan ang pakikialam ng pamahalaan, sa pamamagitan ng NFA, sa mga presyo ng farm inputs at farm outputs.   Bubuti raw kung luluwagan ang pag-aangkat ng mga produkto sa ibang bayan, sapagkat ang food security raw ay masusukat sa kakayahan ng mga taong bumili, sa loob at labas ng bansa, hindi sa kakayahan ng bayang mag-produce sa sarili. Bubuti raw sapagkat lilipat ang mga magsasaka sa mga produktong mas malaki ang kita, mula sa bigas at mais tungo sa gulay, prutas at mga high-value crops. Bubuti raw sapagkat lalaki ang investments sa agrikultura sapagkat nariyan ang mga signal ukol sa hinihingi ng palengke.

At nang pumasok ang AFTA noon 1992 at WTO noong l994, sinabi nila na ito na ang pagkakataon para tuluy-tuloy ang mga patakaran ng deregulation, liberalization at privatization sa agrikultura. Napalitan ang import restrictions ng taripikasyon sa agrikultura, maliban sa bigas. Tapos bumaba ng malaki at mabilis ang taripa sa maraming agricultural products.

25 taon ng agricultural deregulation

Ano ang kalagayan natin ngayon 25 taon mula nang yapusin natin ang patakaran ng agricultural deregulation na ipinataw ng World Bank? Anong kalagayan natin ngayon 12 taon matapos ang AFTA at 10 taon matapos ang WTO?

Kayo na rin siguro ang makapagsasabi. Hindi umunlad ang agrikultura. Hirap pa rin ang ating mga magsasaka. Mahina pa rin ang produksyon ng bigas at mais, niyog, asukal, tabako, gulay, prutas at maging karne. At bumaha at patuloy na bumabaha ang mga agricultural imports dulot ng agricultural trade liberalization, dulot ng pagbagsak ng mga taripa, dulot ng pagdagsa ng smuggling, dulot ng pagtahimik ng ating pamahalaan  sa mga isyu ng dumping, sa kawalan ng safety nets ng mga magsasaka, sa kawalan ng badyet para sa infrastructures at support prices (pero mayroon para sa pag-angkat), sa kawalan ng transparency para sa operasyon ng minimum access volumes at sa kawalan ng maliwanag na programa para sa kaunlaran ng kanayunan. Sa pananaw ng mga neo-liberal economists ng NEDA, World Bank, WTO, ang agrikultura ay uunlad sa pamamagitan  at sang-ayon sa diktasyon ng bukas na palengke.  Ganun ka simple lang para sa kanila.

Hindi nila binabanggit o nakikita o nabubulagan sila na ang palengke ay may mga tao at ang mga taong ito ay may mga mukha.  Ang mga nagbubungkal sa agricultural market ay maliliit na magsasaka na walang access sa capital, sa teknolohiya, sa kaalaman, sa pag-aari ng lupa  at sa nangyayari  sa palengke — sa loob at labas ng bansa.   Ang mga yumayaman o nakikinabang sa agricultural market naman ay mga traders, mga multinationals na may hawak sa technology at global markets, mga smugglers na nagtatago sa patakaran ng free trade, mga bulok na opisyales na kumukuha ng dagliang kita sa importation at allocation ng MAV quotas.

Maliwanag na tagibang ang kalagayan sa agrikultura. Sa halip na umunlad, umuurong ang kanayunan.  Sa halip na lumaki ang exports natin, lumalaki ang ating imports.  Sa bawat isang yunit ng agricultural export, umaangkat tayo ng dalawang yunit na import. We are now a major agriculture-importing country. Ayon sa pananaliksik ni Dr. Domingo Non ng MSU ang MTADP ng gobyerno ay naglalayong paliitin ang ektaryang tinatamnan ng palay at mais upang tamnan ng mga “export winners” na produkto.  At sa pag-aaral ng mga organizers ng kumperensiya na ito, tanging ang saging at pinya, na hawak ng mga multinationals dito sa Mindanao, ang kumikita sa ating agrikultura.  Ang saging at pinya pong ito ay wala pang isang (1) porsiyento ng kabuuang agrikultura natin.  Ibig sabihin, 99 per cent ng ating agrikultura ngayon – mula sa bigas at mais hanggang sa niyog, asukal, tabako, gulay, prutas at karne – ay bagsak at talo sa ilalim ng globalisasyon.

Subalit nakapagtataka, hanggang ngayon, ang panawagan ng mga ekonomistang palpak ay patuloy na deregulation, liberalization at privatization.  Ang sigaw nila, alisin na ang quantitative restriction o QR sa bigas at ibaba pa ang  mga taripa sa agrikultura.  Ayaw nilang  itaas ang mga taripa sa agrikultura, kahit na dumarapa ang mga maggugulay sa Gitnang Luzon at Cordillera, kahit na nabubulok ang sibuyas, bawang sa Nueva Ecija at tabako sa Ilocos, kahit na nagbabagsakan ang mais sa Visayas at Mindanao, kahit na maraming magsasaka ang iniiwan ang kanilang mga lupa na nakatiwangwang – at kahit na ang mga taripa ng Tsina, Thailand, India, Indonesia, Vietnam at iba pang agriculture-exporting countries ay mas mataas di hamak kumpara sa atin!

Mga bagong usapin sa kalakalan

At ngayon, gusto pang buksan ng NEDA ang palengke ng lupa, baguhin ang Saligang Batas at hayaan ang mga dayuhang magmay-ari ng lupa sa Pilipinas. Ito ang hinihingi ng General Agreement on Trade in Services (GATS) ng WTO.   Kulang na kulang ang lupa para sa maliliit, gusto pa nating buksan ito sa malalaking dayuhan. Hindi matapus-tapos ang reporma sa lupa para sa magsasaka, ngayon ay mamimigay naman tayo sa mga korporasyon.  Anong uri ng perspektiba sa pag-unlad mayroon tayo?

Nariyan din si Ginoong Hernando de Soto ng Peru, ang Presidential Adviser on SMEs, na nagpapayo na ikolateral ang mga lupa sa CARP at iba pang pag-mamay-ari ng maliliit na magsasaka, para daw makautang sa bangko.  Para daw maging ‘bankable’.  Kapag nangyari ito at mukhang nangyayari na, babalik ang situwasyon noong unang panahon na mawawala sa mahihirap na magsasaka ang kanilang lupa at iba pang ari-arian.  Balik ang usury at talindua at tersiahan.  Balik ang land concentration sa mayayaman.

Ang nagbabago lamang ay ang mga mukha ng mga mayaman. Bukod sa mga hacienda o malalaking lupain, mayroon na sila ngayong  mga bangko, brokerage and importation companies, trading houses,  farm input distribution businesses at maging mga commercial malls.

Samantala,  sa WTO, may ilang mga positibong development, pero kailangan ang pagbabantay.

Pinag-uusapan sa WTO ang tagibang na kalakalan sa agrikultura sa daigdig.   Nariyan pa rin ang $1 bilyon subsidy kada araw ng Amerika, Europa, Hapon at Canada sa kanilang magsasaka.  Talagang hindi pantay.  Sa bigas, halimbawa, bawat American rice farmer ay binibigyan ng $40,000 suporta ng US government taun-taon; sa Thailand, $1,000, pero dito sa Pilipinas, $16 lamang, kung mayroon man.  Anong laban ng $16 sa $1,000 o sa $40,000?

Sa WTO ngayon, mas pinag-uusapan ang special products katulad ng bigas.  Mahalaga ito, kaya nga lang dito sa atin, kabaliktaran ang nangyayari, dahil gustong alisin ng mga neo-liberal economists ang QR sa bigas parang maging bukas na ang lahat.

Sa WTO, pinag-uusapan ang special safeguard mechanisms (SSMs) laban sa pagdagsa at pagtatambak ng mga imported products ng mayayamang bansa, pero dito sa atin gusto ng mga neo-liberal economists sa NEDA, sa World Bank, IMF, ADB at mga schools of economics na alisin ang mga sagwil sa anumang importasyon. Tuluyang at higitan pang buksan ang ating palengke sa agrikultura.

Sa WTO, mayroong prinsipyo ng special and differential treatment (SDT), na ang ibig sabihin ay may flexibility ang isang bayang nahihirapan sa kalakalan na mag-slow-down sa liberalisasyon.   May flexibility na maghigpit sa pagpasok ng mga imports.  Pero dito sa atin ayaw pag-usapan  ang SDT.  Ayaw kibuin ang isyu ng tariff re-calibration na itinataguyod ng FTA.   ‘Back-sliding’ daw ito.  Hindi rin ito kinikibo ng ating mga trade negotiators.

Labanan ng direksyon

Pasensiya na po kayo sa mahabang paglalahad na ito ng mga isyu sa kalakalan at mga nagbabanggaang pananaw sa agrikultura.

Ang nais ko lamang idiin dito ay ang katotohanan na nag-uugat ang krisis sa agrikultura sa mga maling patakarang dulot ng maling pananaw sa kalakalan at kaunlaran – hindi lamang sa WTO at sa AFTA pero doon mismo sa loob ng ating pamahalaan, sa board room ng NEDA, sa ating negosasyon sa World Bank, IMF at ADB, at doon sa mga silid-aralan ng ating mga tinatawag na schools of economics.

Kung hindi natin babakahin ang maling mga pananaw na ito, walang tigil ang pagdurugo ng ating kanayunan, walang tigil ang pagguho ng ating agrikultura at walang pagsulong na matatamo ang ating  bayan.

Kaya, kami sa Fair Trade Alliance ay nagpupumilit na itaas ang lebel ng kamalayan ng publiko, kasama na ang mga nasa pamahalaan, ukol sa mga reyalidad ng kalakalan at kung papaano uunlad ang ating bayan sa pamamagitan ng mga fair trade policies, hindi free trade policies, at paano isusulong ang  genuine economic development policies, hindi neo-liberal economic policies. Makatarungang kalakalan, hindi free trade. Tunay na pag-unlad, hindi makitid na neo-liberal policy. Fair not free trade.

Kami ay naniniwala na ang pag-unlad, lalo na sa kanayunan, ay nangangailangan ng maximum government support, hindi minimum government assistance. Mas malakas na support price sa farm input at output, hindi kakarampot na tulong. Kailangan ang level playing field higit lalo para sa maliliit na magsasaka at mangingisda, hindi mababang taripa para sa mga imported.  Hindi maluwag na patakaran para sa mga MAV products at sa  mga smuggled na bigas, mais, gulay, prutas, karne at iba pa.   Kailangan ang suporta para sa impraistruktura, edukasyon, teknolohiya, farmers organization, cooperatives at iba pa.

Kailangang ipagpatuloy ang QR sa bigas at isulong ang tunay na konsepto ng food security at food sovereignty.  Kakayahan ng bayang mag-produce ng sapat at kakayahang mabuhay ng mga maliliit na producers.

Kailangang bantayan ang WTO. Hindi dapat masakop ang pangingisda ng tinatawag na NAMA at mawalang saysay ang mga special products, special safeguard mechanisms at special and differential treatment.

Kailangan din ang sama-samang pagkilos para sa pag-unlad, katulad ng ginagawang eksperimento ng PRRM sa Nueva Ecija.  Sa aming system of rice intensification, kasama ng organisasyon ng magsasaka ang PRRM, ang LGU, ang mga agronomists sa academe, at mga opisyales ng DA at DAR para matiyak na malago ang ani, malaki ang kita sa palengke at malawakan ang distribusyon ng yaman at trabaho sa komunidad.

Sa kabuuan, natitiyak ko na marami tayong pag-uusapan sa kumperensiyang ito tulad ng mga inisyatiba ng FTA at PRRM, at gayundin ng mga usapin sa kalakalan sa WTO, AFTA at maging dito sa loob ng ating bayan.

Ang mahalaga, anumang problema o isyu ang pag-usapan, mayroon tayong maliwanag na perspektiba.  Mayroon tayong pananaw na makabayan at maka-magsasaka.

Ito ang perspektiba ng economic nationalism na itinataguyod ng FTA. Sa aming pananaw, hindi maaaring umunlad ang isang bayan na umaasa sa mga dayuhan.  Hindi maaaring umunlad ang isang bayan na hindi namumuhunan sa pagpapaunlad at pagpapalakas  ng kaniyang industriya, ng kaniyang agrikultura, ng kaniyang teknolohiya at nalalaman, ng kaniyang tradisyon at kultura, at ng kaniyang kasaysayan. Kaya nga po hanggang ngayon ayaw buksan ng Europa, US at iba pang bansa ang kanilang agriculture market.  Isyu ito ng soberenidad at kultura sa kanila.  Gayon din ang Hapon.

Higit sa lahat, hindi po maaaring umunlad ang isang bayan na hindi nagkakaisa sa pananaw ang sambayanan, na kaya nilang umangat sa daigdig sa sariling pagsisikap at lakas.

Magkaisa po tayo sa diwa ng economic nationalism.

Mabuhay tayong lahat.

Advertisements

  1. bakit mo alam ang mga ito
    dahil ba sa saan ?????????

  2. mhicaela

    ano p0oe b ang uri ng pamahalaan ng mga ss:
    1.thailand
    2.japan
    3.korea hilaga at timog
    4.vietnam
    5.egypt
    6.india
    7.indonesia
    8.malaysia
    9.united kingdom
    10.australia
    11.saudi arabia
    13.brunei
    14.spain
    15.tsina

  3. AHMMMMMMMMMM……………. PWEDE HO BNG MAG TANONG ANO P B ANG SAGOT SA TANONG N I2 BK8 TINATAWAG N APT N DRAGON NG ASYA ANG NGA BANSANG TIMOG KOREA,SINGAPORE,TSINA,TAIWAN……….. PWEDEHO BANG PKI SAGOT ANG AKING TANONG?




Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


  • FairTrade in pictures

  • Recent Posts

  • Archives

  • Founded in 2001, the Fair Trade Alliance (FairTrade) of the Philippines is a broad multisectoral coalition of formal and informal labor, industry, agriculture, NGOs and youth pushing for trade and economic reforms.
  • FairTrade seeks to promote a job-full and progressive Philippine economy through: (1) the promotion of fair trade rules and active agro-industrial policies based on the existing development needs of the nation, (2) the development of a positive agro-industrial culture to foster innovation, hard work and solidarity between and among the productive sectors of Philippine society, and (3) the transformation of an economy debased and stunted by colonial mentality, unequal trade and neo-liberal dogma into a modern, sustainable and broad-based.
  • Fair Trade Alliance (FairTrade)
    3/f Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) Headquarters
    #56 Mo. Ignacia cor. Dr. Lascano, Quezon City, The Philippines
    (+632) 372 49 91 to 92 local 30
    (+632) 372 39 24
    fta[at]fairtradealliance.org

    FairTradeWeb is powered by Wordpress, MediaMax, MediaFire, Yahoo!, FeedBurner and Flickr.

  • Subscribe in Bloglines


%d bloggers like this: